Sa pagpirma niya ng kontrata sa GMA Network, marami pang aabangan kay Thea Tolentino na unti-unti nang nakikilala sa husay niya sa pagganap— hindi bilang bida, kung hindi maging kontrabida— sa mga Kapuso series.

 

 

Present sa contract signing sina GMA SVP for Entertainment Lilybeth Rasonable at GMA Artist Center AVP for Talent Imaging and Marketing Simoun Ferrer.

Bagama't matagal na sa GMA Artist Center, inihayag ni Thea na ito ang una niya network contract.

"Siyempre masaya kasi dito talaga ako lumaki rin, dito ako nag-grow sa GMA. And every year, may natututunan akong bago, lalo na 'yung mga binibigay sa aming workshops ng GMA ngayon. Naggo-grow ako hindi lang as an actress but as a person. So madami talagang naitutulong sa akin ang GMA," ayon kay Thea.

Masaya si Thea sa tiwalang ibinibigay sa kaniya ng GMA Network, lalo na sa pagganap niya sa mga kontrabida role tulad sa nakaraang afternoon series na "Haplos."

"Masaya ako kasi nagta-trust sa akin 'yung network, sa mga mabibigat na roles gaya ng pagkontrabida. Bago naman ako magkontrabida, na-try din naman nila sa 'kin 'yung mabait. Kaya lang, mas masama ['yung nabibigay sa akin]," paliwanag niya.

Ayon kay Thea, na-e-enjoy niya ang pagganap na kontrabida dahil mas napapaglaruan niya ang kaniyang karakter.

Ngunit sinabi rin ni Thea na bukas din siya sa pagganap ng iba pang roles.

"Puwede rin namang mabait, or kahit hindi rin naman siya kontrabida, basta matapang, puwede namang both," dagdag niya.

Focus muna ni Thea ngayon ang career at school. Aniya, hindi muna niya iniisip ang love life.

"Saka na po iyon. Kasi ngayon napi-feel ko na mas kailangan kong mag-focus talaga sa career, sa family at saka sa school. At the end of this year, may goal kasi ako, sana matupad ko 'yon, marating ko 'yung goal na 'yon," paliwanag pa niya. 

Si Thea ang Ultimate Female Protégé ng talent search na Protégé noong 2012, kung saan naging mentor niya si Gina Alajar.

"Gusto kong magtuloy-tuloy. Wala naman akong pinipiling roles. Kasi sa mga natutunan ko sa mga binibigay na workshops ng GMA, gusto kong matutunan kung paano gawin ang iba't-ibang atake para maiba 'yung character na ipo-portray ko," sabi ni Thea.-- FRJ, GMA News