Sa kabila ng samu't-saring mga komento, inihayag ng singer-actor na si Mark Bautista na mas maginhawa ngayon ang kaniyang pakiramdam makaraang ipakilala niya ang tunay na sarili sa kaniyang autobiography book.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Mark na hindi siya nagpapaapekto sa mga naglalabasang issue sa kaniyang buhay at pagkatao, at mas pinipili niyang magtrabaho nang tahimik.
May mga series of shows ngayon si Mark sa iba't-ibang casino ng PAGCOR sa Pilipinas, at makakasama pa niya si Sarah Geronimo sa series of shows sa Amerika sa susunod na buwan.
"I'm actually in a happy state. Masaya naman ako. Busy ako promoting my book. Ine-enjoy ko lang 'yung moment after releasing the book na parang, ang daming nagko-connect sa akin and nakaka-relate sa story," sabi ni Mark.
Ayon pa sa singer-actor, hindi naging mahirap ang pagsusulat ng kaniyang libro kahit pa may mga parte na tinalakay niya ang kaniyang sekswalidad.
"Especially those parts na medyo about relationships and all that. Tuloy-tuloy lang eh. Bumuhos lang talaga 'yung emosyon ko that time when I wrote it na parang, kung mabasa man nila 'yung book makikita nila na talagang tuloy-tuloy lang 'yung buhos ng puso ko nu'ng sinulat ko siya."
Naihanda naman daw ni Mark ang sarili pagdating sa mga tao na didistansiya matapos niyang ilabas ang kaniyang libro.
"Na-prepare ko rin 'yung sarili ko sa mga ganu'ng bagay kasi 'yun 'yung isa sa mga fears mo eh, na 'pag nilabas mo 'to, marami talagang magdi-distance sa 'yo, maraming hindi pabor sa 'yo so hinanda ko 'yung sarili ko du'n."
Mas matiwasay na raw ang takbo ng buhay ni Mark matapos niyang ipakilala sa publiko ang tunay niyang pagkatao sa pamamagitan ng kaniyang libro.
"Nakakatulog ako nang maayos. Alam ko na wala akong ginawang masama and maayos 'yung intention ko," pahayag niya. --Jamil Santos/FRJ, GMA News
