Ikinasal na ang dating child star at "That's Entertainment" member na si Dranreb Belleza sa kaniyang longtime girlfriend.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, naging very intimate ang kasal nina Dranreb at Valerie dela Riva.

"Seven years na kami so it's time na, na iharap namin ang sarili namin sa dambana at altar ng Diyos," sabi ng dating aktor.

"I'm just like overwhelmed for all the support of everybody, his friends, my friends, family," sabi naman ni Valerie.

Sa kasal, hindi napigilan ng dalawa ang maging emosyonal hanggang sa paglapit nila sa kani-kanilang mga magulang.

"Madami din kasing mga bagay-bagay na pinagdaanan namin. Madami kaming pinagdaanan, 'yung health ko, dalawang beses akong na-ICU, ganyan. She was there to hold my hand. Talagang mahal niya ko," pahayag ni Dranreb.

Nagsilbing best man ni Dranreb ang kaibigan at dating kasamahan sa "That's Entertainment" na si Ramon Christopher, at nandoon din si Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Nandoon din ang ina ni Dranreb na si Divina Valencia, na dati ring naging artista.-- FRJ, GMA News