Dahil matagal tumigil sa pagsabak sa kompetisyon, aminado ang Kapuso artist na si Ashley Ortega na nakaramdam siya ng kaba nang lumaban sa Skate Philippines Championship 2018 sa SM MOA skating rink noong Martes ng gabi.

Sa Star Bites report ni Aubrey Carampel sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing bago pumasok sa showbiz, isang ice skater si Ashley na minsan pang naging bahagi ng national team.

Kaya naman nang lumaban siya sa Skate Philippines Championship 2018, bigay-todo si Ashley sa kaniyang performances.

Dalawang buwan lang daw ang kaniyang naging preparasyon at on the spot din niyang pinag-isipan ang moves and stunts sa interpretative category.

"I started skating at the age of four and then I stopped when I was 11. I was part of the Philippine team before, I used to compete abroad representing our country and then I stopped because I started doing showbiz," kuwento niya.

Nanibago raw si Ashley sa muli niyang pagsabak sa kompetisyon dahil matagal din siyang natigil. Pero proud daw siya sa kaniyang sarili na muling nakalaban.

"It feels great, I feel pressured. Siyempre nandun pa rin 'yung kaba kasi I feel like hindi ko na ulit magagawa yung mga jumps and spins ko before. But I'm taking it slowly but surely," saad niya.

Dumating naman para magbigay suporta kay Ashley ang fellow Kapuso star na si Andre Paras na isa raw sa malapit niyang kaibigan.

Matapos ang kompetisyon, nag-uwi ng tatlong gintong medalya si Ashley, bukod pa sa special award na most artistic.-- FRJ, GMA News