Hindi man perpekto, ginagawa ni Super Tekla ang lahat para makabawi ngayon sa mga pagkukulang niya sa anak nang mawalay ito sa kaniya nang malihis noon ang atensyon niya sa buhay dahil sa depresyon.
Sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing proud daddy si Tekla sa kaniyang anak na babae na si Aira na 10-year-old na ngayon.
Mula raw noong baby si Aira hanggang sa maging limang-taong-gulang, hands-on daddy si Tekla hanggang sa dumating ang araw na nalihis siya ng landas.
Ayon sa Kapuso comedian, nakaranas siya ng depresyon at minsang nalulong sa droga na naging dahilan para mawalay sa kaniya ang dating asawa at ang anak na si Aira.
"Down na down ako nun kuya Nelson, talagang ground zero. Nagdecide ako na dun na siya, kasi feeling ko hindi ko magagampanan yung responsibilidad ko," paglalahad ni Tekla.
Ngayong nakabangon na mula sa kaniyang pagkakadapa, bumabawi rin si Tekla sa anak. Natutuwa rin siya dahil nauunawaan ni Aira ang kaniyang kalagayan na hindi masasabing "pangkaraniwang" ama.
Kuwento niya, matalino at malawak ang pang-unawa ng kaniyang anak pagdating sa kaniyang kalagayan.
Bagaman nasa Bacolod ang anak na si Aira, sinabi ni Tekla na madalas naman ang kanilang komunikasyon.
Ang sinasabi daw niya sa anak kapag hindi sila nagkausap, "Baby Aira [hindi] porket hindi ka china-chat ni daddy, didn't say na 'di kita love. Ka'ko mami-miss lang kita lalo kasi wala akong magagawa na made-depress lang ako."
At ang kaniyang pangarap sa anak, "Lahat naman tayong magulang naghahangad ng kabutihan ng anak, lumaki lang siya nang maayos at saka may takot sa Diyos."-- FRJ, GMA News
