Ikinuwento ng direktor at scriptwriter ng inaabangang bagong Kapuso fantaserye na "Victor Magtanggol" ang kaniyang naging inspirasyon sa pagbuo ng konsepto ng naturang programa na pagbibidahan ni Alden Richards.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ng director at scriptwriter na si Jules Katanyag na ang Norse mythology na tungkol sa gods and goddesses ang kaniyang naging inspirasyon.

"Ang Norse mythology at kahit anong mitho in general, walang nag-iisang taong nagmamay-ari sa kaniya, walang kompanya, walang brand na nagmamay-ari sa mythology. Ang may-ari ng mythology ay ang sangkatauhan," paliwanag niya.

Sabi sa ulat, ang Norse mythology ay koleksiyon ng mga mitho tungkol sa northern tribes ng Europe. Kuwento ito ng gods and goddesses tulad nina Thor at Loki, mga karakter na nabasa na rin mga komiks at napanood sa pelikula.

Ang pagwawakas ng naturang Norse mythology ay ang "Ragnarok," na tinatawag na great battle kung saan namatay ang Norse gods, kabilang na si Thor,  na God of Thunder.

"Sa kaguluhan na 'yun, naiwan yung martilyo ni Thor at doon magsisimula ang 'Victor Magtanggol.' Magpi-pick up siya parang thousands of years after nu'ng namatay 'yung mga Norse god," saad ni Katanyag.

Dagdag niya, "Nabuhay ulit si Loki para maghasik ng lagim kaya kailangan ng bagong hero, kailangan ng bagong pipigil sa kaniya."

Si Alden, masaya sa konsepto ng istorya at pati na sa mga kasama niya sa proyekto tulad ni John Estrada, Pancho Magno, Andrea Torres, at Janine Gutierrez.

Si John ang gaganap na pangunahing kontrabida na si Loki.

Makakalaban din ni Victor si Modi, ang anak ni Thor, na gagampanan ni Pancho.

Babalik sa kasalukuyang panahon si Modi para makuha ang war hammer ng kaniyang ama na mapupunta kay Victor.

"Parang naiinggit ako, parang bakit siya [hammer] napunta sa isang mortal," paliwanag ni Pancho.

Si Andrea naman ang Norse goddess na si Sif, ang asawa ni Thor, at gagabay kay Victor.

"Kailangan niya ulit kumilos para gabayan at bantayan itong bagong magiging tagapagmana nung martilyo ni Thor," ayon kay Katanyag.

Makikilala ang iba pang karakter sa "Victor Magtanggol" na malapit nang magsimula.-- FRJ, GMA News