May lahing foreigner at lumipad patungong Pilipinas para makipagsapalaran. Pero muntik na raw isuko ni Kim Last ang pangarap niyang pumasok sa showbiz  nang hindi siya pinalad sa pagsali sa isang dance group.


Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabi ni Kim na todo-suporta ang kaniyang lola sa kaniyang pangarap na mag-artista mula pa noong bata siya.

Sinasamahan pa raw siya nito sa mga pagpila sa auditions. Ngunit hindi pinalad ang career niya sa pagsali sa isang dance group kaya nag-isip siyang bumalik ng na lang sa London.

Ngunit sakto namang nagkaroon ng "That's My Bae" contest sa "Eat Bulaga" na kaniyang sinalihan. Hindi rin pinalad si Kim na maging grand winner, ngunit kasama naman siya sa mga finalist.

Matapos nito, nag-click ang 'That's My Bae' winners at pinagsama-sama sila bilang  isang grupo.

"Hindi ko masabi eh. Parang na-miss ng Pilipinas 'yung boy group, may Streetboys, The Maneuvers," saad niya.

Naramdaman na rin ni Kim ang mainit na pagtanggap ng EB Dabarkads.

"Once naging regular po kami super, parang biglang 'O! Ito na Dabarkads ka na!' Super walang plastikan, family ko sila," sabi niya.

Napabilang din si Kim sa "Sunday PinaSaya" at dito siya natutong mag-Tagalog.

Sa ngayon, kasa-kasama niya ang mga EB Dabarkads na sina Ryan Agoncillo at Wally Bayola sa hobby nila na pagmomotor.

"Follow your dreams. Sundan mo ang pangarap mo," ang aral ng tunay na buhay ni Kim.--Jamil Santos/FRJ, GMA News