Inaasahang makalalabas na ng kulungan ang dating child actor na si CJ Ramos, 31, kapag nakapagbayad ng piyansa ang kanyang pamilya ngayong Martes, August 7.
Ito ay ayon sa half-brother ni CJ—ang dating Abztract dancer at Kapuso actor na si Sherwin Ordoñez, 40.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Sherwin nitong Lunes, August 6,
Ayon kay Sherwin, nagkita pa silang magkapatid ilang araw bago maaresto si CJ sa isang buy-bust operation sa may Tandang Sora, Quezon City, noong nakaraang Martes, July 31.
“Last week. Oo, magkasama kami, pumunta siya rito kumuha ng...
"Binibigyan ko siya ng sapatos, kasi nagtitinda ako ng sapatos, e."
Pagkatapos nito ay ibinahagi ni Sherwin kung paano nalulong sa ilegal na droga si CJ.
Saad niya, “Before, yes, umamin naman siya. Before, oo, kasi kumbaga depression niya yun, e.
“Yung transition kasi ng pagiging artista niya, nawala siya sa limelight dahil yung tinatawag nilang awkward stage as a child star, yung transition to teens, mahirap.
“So, nawalan siya ng mga offers. 'Tapos ganito, ganyan, ganyan. 'Tapos nag-try siya mag-aral nun.”
Mas lalo raw napariwara ang kapatid nang hindi naging successful ang showbiz comeback nito sa GMA-7, kung saan nagningning ang showbiz career ni Sherwin.
Lahad ng kuya ni CJ, “Nung naging teenager na siya, yun yung time na nag-artista ako.
“Na from Abztract dancer, naging artista na ako.
"Nung kasikatan ko sa GMA, lumipat siya ng channel, ‘Sige, dito ka, baka mabigyan ka ng ano... baka sakali mabigyan ka ng mga projects.’
“Ayun, lumipat siya.
"Pero that time, marami ring pasibol na ano, andiyan yung StarStruck," pagtukoy ni Sherwin sa reality-based artista search ng Kapuso network.
“So, hindi na rin siya nakahabol.
"Kasabay niya sina JM de Guzman, best friend niya yun."
Dagdag pa ni Sherwin, “So, yun, parang that time na-frustrate... dun siya nag-start na maano sa drugs.”
