Kabilang daw sa layunin ni Ken Chan sa bago niyang pinagbibidahang Kapuso series na "My Special Tatay" ang maging tinig ng mga may mental disability.
Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita na may suot ni autism awareness ribbon si Ken sa ginanap na presscon ng naturang serye.
Ginagampanan ni Ken sa serye ang role ni Boyet, ang ama na may mild mental intellectual disability.
"Sa lahat ng ginawa kong roles, ito ang pinakamahirap as of now. Nahirapan talaga ako dahil sa kilos, sa pananalita, the way they think, magsalita, napaka-special nila in a very positive way," sabi ni Ken.
Bilang paghahanda sa role, sumalang si Ken sa immersion at workshops.
Layunin daw ng aktor na makatulong upang ipaunawa sa publiko ang tungkol sa autism.
"Dahil mayroon akong tao na nakausap na may ganitong klaseng condition. Sabi niya, ito mismo ang sinabi niya, alam kong abnormal ako at sana, isa lang ang hiling ko na sana respetuhin ako ng ibang tao," kuwento ni Ken.
Makakasama ni Ken sa "My Special Tatay" sina Jestoni Alarcon, Teresa Loyzaga, Candy Pangilinan, Carmen Soriano, Rita Daniela, Jillian Ward, Arra San Agustin, at ang nagbabalik Kapuso na si Lilet, na siyang gaganap na ina ni Boyet.
Espesyal daw sa puso ni Lilet ang "My Special Tatay" dahil kadalasan naalala raw niya ang yumaong ama sa ilang mga eksena.
Hindi niya napigilan maiyak nang ikuwento ang halos magkakasunod ng pagpanaw ng mga mahal niya sa buhay na ang pinakahuli ay ang kaniyang uncle ko na itinuturing niyang second dad.-- FRJ, GMA News
