Challenging daw para sa mga Kapuso heartthrob na sina Jake Vargas, Migo Adecer at Jeric Gonzales ang kanilang roles sa pinag-uusapan ngayong afternoon series na "Ika-5 Utos."
Sa Star Bites ni Suzi Abrera sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing inabangan, tinutukan at pinag-usapan agad ang pilot week ng bagong drama series ni direk Laurice Guillen.
Tiyak daw na mas tututukan pa ang programa dahil malapit nang mapanood ang tatlong Kapuso heartthrobs na makikipagsabayan sa mga batikang artista na kasama nila sa serye na sina Jake Vargas, Migo Adacer at Jeric Gonzales.
Ayon kay Jake, gagampanan niya ang role ni Carlo na mayamang at maangas.
"Ang hirap nung umpisa, hindi ko siya makuha kasi ang hirap maging badboy," saad ng aktor. "Pinag-aralan ko siya, nanood ako ng mga movie na puwede kong makopyahan na maangas."
Gagampanan naman ni Migo ang role ni Frank na isang family person, habang si Brix naman ang karakter ni Jeric, na isang mabait na anak at pangarap maging lawyer.
Full support naman daw ang mga veteran co-star ng tatlo para mas mailabas nila ang kanilang galing sa pag-arte.
Kasama rin sa serye sina Jean Garcia, Valerie Concepcion, Gelli de Belen, Tonton Gutierrez, at Antonio Aquitania. -- FRJ, GMA News
