Pumanaw na ang comedian na si Bentong, o Domingo Vusotros Brotamante Jr. sa tunay na buhay, nitong Sabado sa edad na 55.
Kinumpirma ito ng kaniyang manugang na si Arvin Vincent S. Anierdes sa kaniyang Facebook post.
Ayon sa FB post, pumanaw si Bentong bandang alas-singko ng umaga sa Fairview General Hospital.
Sinabi pa ni Arvin na cardiac arrest ang sanhi ng kanyang kamatayan.
"Rest in Peace Papa Bentong hindi ko akalain na heto na ang ating huling pagsasama ... alam ko kasama mo na ang Panginoon ngayon kaya panatag narin ang loob ko. Maraming maraming salamat Papa sa pag-aruga sa Pamilya naten. Maraming salamat din dahil napakarami mo napasayang tao. Mahal na mahal ka namin Pa," saad ni Arvin.
Sinabing nagsimula si Bentong sa pagiging set decorator at crane operator, hanggang sa maging ganap na artista.
Nakagawa siya ng pangalan bilang comedian at madalas na sidekick ng bida sa loob ng tatlong dekada. —Jamil Santos/LBG, GMA News
