Panibagong hamon para kay Alden Richards ang role na bulag na kaniyang gagampanan sa upcoming teleserye na "The Gift."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing may paningin nang ipanganak ang karakter ni Alden na magiging bulag kinalaunan.

Pero sa kabila ng kaniyang magiging kapansanan, magdudulot ito ng positibong pagbabago.

Para mas magampanan niya nang mabuti ang kaniyang karakter, sumailalim si Alden sa immersion sa tulong ng Resources for the Blind Incorporated, isang non-governmental organization na tumutulong sa mga visually impaired.

"Mas lalo akong na-excite gawin 'yung role. Nakaka-move lang being here today and experiencing first hand kung ano talaga yung pakiramdam ng pagiging bulag," saad niya.

Nakausap din ni Alden si Baby Padasas, isang licensed social worker na nabulag, at ang blind pastor na si Reynold Malinao.

Umaasa si Alden na maghahatid ng inspirasyon sa mga tao ang kanilang serye.

"Sana itong 'The Gift' will give them inspiration na kahit na bulag, kahit na walang paningin, the losing of sight puwede ka pa ring maging blessing sa ibang tao," saad niya.--FRJ, GMA News