Sunod-sunod ang biyahe ng lead actor ng upcoming Kapuso series na "The Gift" na si Alden Richards.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing matapos ang New York at Davao, nasa South Korea naman ngayon si Alden matapos siyang maimbitahan para sa Seoul Drama Awards.

Ikinatutuwa ni Alden na kinikilala raw maging ng ibang bansa ang kaniyang mga pinaghirapan bilang isang aktor.

Kamakailan lang, nakisaya si Alden sa Kadayawan Festival sa Davao, kasama sina Martin del Rosario, Thia Thomalia, Ysabel Ortega at Mikee Quintos.

Nagtungo rin siya sa New York na katuparan ng kaniyang pangarap na marating ang lugar. Doon kinunan ang ads ng kaniyang collaboration with designer Avel Bacudio para sa kanilang clothing line.

Noong isang linggo, inirampa ni Alden ang naturang mga koleksyon nang kanila itong ilunsad.

Bukod sa mga biyahe, busy din si Alden sa taping ng kaniyang bagong seryeng "The Gift," kung saan gagampanan niya ang karakter ng isang bulag na si Sep.--FRJ, GMA News