Si Patricia Javier ang magiging pambato ng Pilipinas para sa Noble Queen Of The Universe 2019 na gaganapin dito sa bansa.

Sa Star Bites report ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing handa na si Patricia para sungkitin ang korona, at excited na sa nalalapit na pageant.

"This pageant, of course, is all about advocacy. They are looking for women who are really helping the community," ani Patricia.

Gaganapin ang coronation night sa Disyembre 1 na sasalihan ng 30 bansa.

Naglalayong itampok ng Noble Queen of the Universe ang mga kababaihang may asawa na may puso na tumulong at magbigay-sigla sa mga komunidad ng iba't ibang lipunan.

Bukod dito, hinihikayat din nito ang mga kababaihan na magsimula ng pagbabago sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng "collaboration" at "friendship."

Matatandaang si Patricia ang itinanghal bilang Mrs. Universe Philippines 2019.

Gayunman, hindi na siya lalahok sa Mrs. Universe pageant na gaganapin sa Guangzhou, China sa Disyembre 21, 2019 hanggang Enero 1, 2020, dahil sa conflict sa schedule nito sa holiday plans ng kaniyang pamilya.

Ang unang Noble Queen of the Universe naman ay gaganapin sa December 1.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News