Muling binalikan ni Iya Villania kung paano nagsimula ang love story nila ni Drew Arellano, na magsisilbi lang dapat na tulay para sa isang kaibigang may gusto rin sa kaniya.

Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabi ni Iya na nagkakilala at nabuo ang love team nila ni Drew nang makasama sila sa youth-oriented show na "Click" noong 2003.

Noong una pa lang ay hinahangaan na raw ni Iya ang pagkatao ni Drew, na inilarawan niyang "hindi malandi."

"Hindi siya malandi. Minsan gusto ko ngang landiin niya ako pero hindi niya ako nilalandi. Si Drew puro kalabit na lang," natatawang kuwento ni Iya.

"Noon pa lang nakikita ko that he's a family guy, how close he is to his papa, to his siblings. Tapos ang nakakatuwa lang, all the more I came to love him as he got older because naging atleta pa siya, and that's like super type ko," dagdag pa ng Chika Minute host.

Ngunit magsisilbi lang dapat na tulay si Drew dahil ang isa nilang kaibigan ay may gusto rin daw kay Iya.

"Meron kaming kaibigan, tapos dapat si Drew 'yung magiging tulay. Tapos siguro doon na lang na-realize ni Drew na 'Teka lang, eh type ko rin pala si Iya,' feeling ko ha!" ani Iya.

Mula noon, naging madalas na silang magkasama, hanggang sa tanungin na ni Iya si Drew tungkol sa status nilang dalawa.

"There was one night nanahimik ako tapos sabi niya, 'Hey what's wrong? Anong problema?' Sabi ko, 'Gusto ko lang malaman kung nasaan tayo?' Tapos sabi niya, 'I'm glad you asked, I think I'm ready.' Oh 'di ba? Ako talaga 'yung naghintay eh!" pabiro ni Iya.

Matapos ang walong taong in a relationship, nag-propose si Drew kay Iya. At nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng dalawang anak na sina Primo at Leon.

Panoorin ang pagbabahagi pa ni Iya ng kaniyang "Tunay Na Buhay" bilang isang ina sa video sa itaas.  --FRJ, GMA News