Naghandog ng isang libo't isang tuwa ang Eat Bulaga Dabarkads nitong Biyernes sa mga OFW sa UAE para sa kanilang special edition na "Dabarkads Day in Dubai."

Naghatid ng tawanan ang "JoWaPao" tandem nina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros, na sinamahan din ni Maine Mendoza.

Hinarana naman nina Bossing Vic Sotto at Joey De Leon ang Pinoy audience ng mga classics na "The Way You Look Tonight," "You Make Me Feel so Young," at "To Be Loved."

Hindi rin nawala ang "Juan for All, All for Juan," kung saan masuwerteng nanalo ang isang ginang na taga-Isabela, pero 16 taon na sa Dubai.

Pinagkaguluhan naman si Alden Richards nang kantahin niya ang "Kung ‘Di Rin Lang Ikaw" at makisalamuha sa mga Kapuso roon.

Hindi rin napigilan ng iba na makalapitan si Maine Mendoza habang ginagawa niya ang kaniyang number.

Muling pinakilig ng AlDub ang mga Kapuso abroad sa kanilang "Wake Me Up Before You Go-Go" dance number.

Naghayag ang EB Dabarkads ng pagbati ng advance Merry Christmas sa mga kababayan.

—Jamil Santos/KG, GMA News