Inihayag ni Glaiza de Castro ang kaniyang takot ngayong patuloy ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa. Mayroon din siyang paalala para makaiwas sa sakit.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabing nagpunta muna sina Glaiza at ang kaniyang pamilya sa Baler, Aurora.
Pero nilinaw niya na hindi ito bakasyon ng pamilya ngayong tigil muna ang trabaho ng lahat sa showbiz.
"'Yung magulang ko kasi, naisip po namin na mas makakabuti sa kanila na dito muna kasi mas makakagalaw sila. Kumbaga makakapag-relax sila nang husto," sabi ni Glaiza.
Tulad ng ibang tao, hindi na rin nakalalabas ng bakuran si Glaiza at ang kaniyang pamilya kaya naman doon na rin sila nag-e-exercise.
Bukod dito, tumutulong-tulong din sila sa gawaing bahay.
"Si tatay, nagdidilig siya ng mga tanim niyang halaman. Si nanay naman nagluluto siya pero most of the time kami 'yung nagpe-prepare ng food, naghuhugas ng pinggan, naglilinis," ani Glaiza.
Apektado rin daw ang Baler ng paglaganap ng COVID-19 kahit malayo ito sa Metro Manila.
"Affected din. Actually 'yung mga resorts dito, accomodations, restaurants, lahat sila nagsarado. Lahat lahat po talaga affected. Mas nakakatakot kapag hindi mo sinunod 'yung dapat mong gawin," saad ng aktres.
Kaya naman personal ding nag-iingat si Glaiza laban sa COVID-19.
"Medyo nakaka-praning lagi kasi kailangan mo talagang maghugas ng kamay. I think better to wash your hands rather than just sanitizing," saad ni Glaiza.
Napapanood naman ngayon sa GMA Primetime ang Encantadia kung saan gumaganap si Glaiza bilang si Pirena.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
