Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes na inalis na niya ang excise tax sa Liquefied Petroleum Gas (LPG) at kerosene para mabawasan ang presyo nito sa gitna ng mataas na halaga ng krudo sa world market bunsod ng kaguluhan sa Middle East. Bakit nga ba hindi isinama ang diesel at gasolina? Alamin.

Nagkaroon naman ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo nitong Martes base sa galaw ng presyo nito sa world market. Aabot sa mahigit P20 per liter ang natapyas sa diesel, halos P5/L sa gasolina, at halos P9/L sa kerosene.

Sa Unang Hirit nitong Martes, ipinaliwanag ni dating DOE Undersecretary at Executive Board Member ng Philippine Energy Research and Policy Institute na si Atty. Jay Layug, na agad nang epektibo o immediate ang pag-alis ng excise tax nitong Abril 13.

Kaya naman may bawas nang P3.36 kada kilo sa LPG at P5.60 para sa kerosene.

“Puwede naman 'yung application niya kaagad. At kung meron nang naibayad na excise tax diyan, puwede naman. Ang suggestion kahapon ng mga congressmen natin ay i-tax credit na lang para immediate po 'yung application,” paliwanag niya.

Para sa mga nagsasabing maliit lamang ang mga kabawasan kumpara sa pagtaas ng petrolyo, sinabi ni Layug na kada linggo ay tinitingnan ang pagtaas o pagbaba nito, at depende sa galaw ng presyo ng krudo sa international market.

“Nakita niyo the reason why bumaba this week or today. Dahil last week nag-announce 'yung US and Iran ng ceasefire. So, immediately nag-react ang buong mundo, hoping na magkaayusan, bumaba kaagad. Abangan naman natin this week ano naman ang mangyayari at ano 'yung magiging paggalaw next week,” sabi ni Layug.

Tungkol naman sa excise tax sa diesel at gas, na mas karaniwang ginagamit ng nakararaming Pilipino, isinusulong na rin ito ng mga mambabatas.

“Ngayon pinapaliwanag ng Executive, tinitingnan nila kung kaya ba nating bawasan ang excise tax kasi kabawasan din yan sa collection (ng revenue). At 'yung collection naman ayon sa Executive, ginagamit nila pangtulong sa mga nangangailangan sa targeted subsidy. So medyo balancing act po ginagawa ng Malacañang relating to this,” sabi niya.

Kaugnay sa mga panawagang i-suspend ang VAT, sinabing kailangan pa ng batas para rito. Sa parte naman ng Pangulo, kailangan niyang magtaas ng revenues, dahil kailangan din ng maraming gastos para magbigay ng ayuda.

Inihayag ni Layug ang rekomendasyon niyang isuspinde ang VAT.

“I'm for it. Kung kaya ng pamahalaan, bawasan natin kahit temporary lang po para maibsan 'yung pasakit sa ating mga kababayan,” sabi niya.

Sinabi ni Layug na hindi madali ang pagbabalanse na ginagawa ng gobyerno.

“Hindi madali. ‘Yung windfall na sinasabi nila, naka-calculate kasi magkaano ang anticipated revenues from VAT. Kung tumaas 'yung barrels of oil na ina-anticipate, may excess na nakita. But at the same time 'yung excess naman gagamitin sa pantulong, sa pang-ayuda. Kailangan din nating maintindihan may mga kababayan din tayong talagang mas nangangailangan ng tulong,” paliwanag niya.

Ilan dito ang transport sector na kinabibilangan ng mga drayber, at mga mangingisda at magsasaka na gumagamit ng diesel. – FRJ GMA News