Arestado ang dalawang lalaki matapos looban ang isang supermarket at tangayin ang P200K halaga ng cellphone, relo at cash sa limang stalls nito sa Barangay Doña Imelda, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang CCTV footage ng pagdaan ng suspek sa bintana ng isang hardware store madaling araw ng Lunes, bago siya marahang bumaba.

Nang mapansin ng lalaki ang CCTV camera, tinakpan niya ito.

Sunod na nakunan ang lalaking naglalakad papunta sa stalls ng katabing supermarket. Sa isang stall, makikita siyang binubuksan ang cabinet at may kinuhang pera.

Limang stalls ang pinagnakawan ng lalaki, kasama ang dalawang tindahan ng cellphone, dalawang watch repair shop, at isang tindahan ng mga lighter.

Umabot ng halos dalawang oras ang pagnanakaw ng lalaki.

Sumatotal, aabot sa P200,000 halaga ng mga cellphone, iba’t ibang klase ng relo, at pera ang natangay.

“'Yung nag-open na 'yung supermarket na ito, at dumating na 'yung stall owners and sales representative, doon nila na-notice na 'yung nanakawan na sila, I think around past 10 a.m. Hindi ito napansin ng mga security personnel who are conducting roving outside the supermarket,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Virgilio Jopia, commander ng Galas Police Station.

Lumabas sa imbestigasyon na pagkapasok ng suspek sa hardware store, doon siya kumuha ng mga gagamitin para makapunta naman sa katabing supermarket.

“Na-access niya 'yung pinaka-second floor ng hardware store. So ang ginawa niya, dinismantle (dismantle) niya 'yung glass wall. Since hardware 'yung kaniyang pinasok, tinanggal niya, kumuha siya ng mga tools doon. Kinuha din niya 'yung mahabang ladder doon sa hardware store. Bumaba siya sa supermarket,” sabi ni Jopia.

Sa iba pang kuha ng CCTV, makikitang tumakas ang suspek na naglalakad papalayo sa mga commercial establishment.

Sumakay ang suspek sa tricycle na kalaunan ay natunton ng pulisya ang driver.

“'Yung sinakyan niyang tricycle, natandaan kung saan siya binaba, somewhere in Sampaloc. ’Yun 'yung naging susi natin para ma-locate natin nang mabilis itong mga suspek,” ani Jopia.

Nakunan din sa CCTV sa Sampaloc, Maynila ang suspek na papasok sa inuupahan niyang bahay.

Nadakip ang lalaking suspek sa follow-up operation. Huli rin ang kasabwat na lalaki na hawak pa umano ang mga ninakaw na gamit nang tinangka niyang tumakas.

Nabawi sa mga salarin ang mga ninakaw na cellphone at samu’t saring klase ng relo.

“Nadala lang po sa kahirapan ng buhay. Nagkataon napadaan lang po ako doon sa area,” sabi ng suspek.

“Hindi naman po ako kasabwat diyan. Wala po akong alam diyan sa mga ganiyan,” sabi ng isa pang suspek.

Mahaharap ang mga suspek sa reklamong robbery. Patuloy na inaalam ng pulisya kung kasali sa grupo ang dalawa at kung may iba pang establisimyento silang pinagnakawan.

Sinisikap na makuhanan ng pahayag ng GMA News ang mga may-ari ng hardware store at supermarket.—Jamil Santos/AOL GMA News