Sugatan ang isang 47-anyos na lalaki matapos siyang barilin ng riding-in-tandem sa labas ng kaniyang pinagtatrabahuhan sa Antipolo City sa Rizal. Nadakip naman sa checkpoint ng pulisya ang umano’y gunman pero itinanggi niyang sangkot siya sa krimen.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente noong madaling araw ng Sabado sa Barangay Santa Cruz.
Sa kuha ng CCTV camera, madidinig ang dalawang magkasunod na putok ng baril matapos na dumaan ang isang motorsiklo na may dalawang nakasakay.
May video footage din na makikitang tumakbo ang gunman, at ang pagtakas ng riding-in-tandem suspects. Narekober sa crime scene ang dalawang basyo ng bala.
Nasapul sa kaliwang braso ang biktima, na hindi pa nagbibigay ng pahayag.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nanakawan lang sana ng mga suspek ang biktima.
“Ito pong ating victim is nag-take ng break. Nagse-cellphone sa harap ng building… 'Yung backride bumaba po and then binunutan po siya ng baril at pinutukan 'yung ating victim. Mag-isa lang siya doon sa area. So naging easy target siya po ng ating mga suspek,” sabi ni Police Lieutenant Ken Ladyong Ada-Ol, Chief ng Community Affairs Division and Deputy Investigation ng Antipolo City Police.
Nadakip ang 30-anyos na suspek sa checkpoint ng Oplan Galugad ng Antipolo Police nitong Martes samantalang nakatakas ang isa pa.
“Napansin po nila wala po silang helmet at noong hinanapan ng lisensiya, wala po itong maipakitang lisensiya o anumang dokumento. 'Yung nakamotor po is tumakbo po siya. Hinabol po ng ating kapulisan. Napag-alaman po na may hawak po siyang baril na inilalagay po sa kaniyang bag,” sabi ni Ada-Ol.
Narekober ng pulisya ang .45 na baril at motorsiklo na tugma umano sa ginamit na motorsiklo sa pamamaril.
Kinumpirma umano ng biktima sa pulisya na ang naarestong lalaki ang bumaril sa kaniya.
Pero itinanggi ng suspek na may kinalaman siya sa krimen.
“Hindi ko po alam ‘yun, ma'am. Hindi po, ma'am. Wala po ako sa pangyayari na ‘yun, ma'am,” sabi ng suspek.
Batay sa mga record ng pulisya, dati nang nabilanggo ang suspek dahil sa droga noong 2021 at nakalaya nitong nakaraang taon.
Nahaharap ang suspek sa mga reklamong attempted robbery with frustrated homicide, illegal possession of firearms and ammunition, paglabag sa Motorcycle Helmet Act of 2009, paglabag sa Land Transportation and Traffic Code, at Resistance and Disobedience to an Agent or Person in Authority. – Jamil Santos/FRJ GMA News
