Sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y mga illegal gambling den sa iba’t ibang lugar sa Pangasinan. Umabot sa 150 tao ang dinakip kabilang ang isang punong barangay at dating municipal councilor.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing isinagawa ang pagsalay sa mga bayan ng Manaoag, Rosales, Urdaneta, Calasiao, maging sa San Carlos.

Sa Manaoag, inabutan ng mga operatiba ang isinasagawa umanong operasyon ng pasugalan.

“Simultaneous ‘yun para ‘di masunog o. Maburnout ‘yung trabaho. Sakto, nagrerevisa sila ng papelitos, nagaayos sila ng bet, mga taya, naaktuhan natin,” ayon kay Atty. Jun Dongallo, regional director ng NBI-NCR.

Isinagawa ang pagsalakay mula sa impormasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at nagsagawa ng dalawang linggong surveillance na hinihinalang nag-o-operate ng bookies.

“Ang nahuli po natin all in all sa limang areas umabot po ng 150 personalities. Nagpapataya rin sila sa mga bahay-bahay, sa mga tao, naglilibot sila using papelitos na hindi sanctioned ng PCSO, nagmimisrepresent sila,” ayon kay Dongallo.

“Ang legitimate po na operation ng gaming, every penny na pumapasok sa gaming operator, may porsyento po yan, buwis na pumapasok sa PCSO o sa gobyerno. Itong mga iligal na ito, walang ganun, so nalulugi ng malaki ang gobyerno,” dagdag niya.

Sasampahan ang mga dinakip ng paglabag sa Presidential Decree 1602, o anti-illegal gambling law. Habang sasampahan din ng reklamong katiwalian ang nadakip na barangay chairman.—FRJ GMA Integrated News