Hindi man nakabalik sa Metro Manila dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine, namigay si Kuya Willie Revillame ng pagkain at tubig sa mga residente na apektado at nawalan ng trabaho sa Puerto Galera.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras," sinabing dahil sa enhanced community quarantine, nanatili na lang si Kuya Wil sa kaniyang resort sa kilalang tourist destination.

Maraming residente sa Puerto Galera ang hindi na nakalabas para makapaghanapbuhay, kaya naghatid si Kuya Wil ng tulong sa abot ng kaniyang makakaya.

Nilibot niya ang ilang barangay upang makita, up close, ang kalagayan ng mga kababayan.

"Napag-alaman ko na bawal sila sa palengke, dahil una wala silang transportasyon, bawal ding lumabas. Isa lang ang kailangan eh wala silang sasakyan, walang tricycle. Ito kahit papaano maliit na bagay lang, sa isang araw, dalawang araw, nakatulong tayo sa kanila," saad ni Willie.

Kasama ang mga volunteer, isinagawa ni Kuya Wil ang relief operation at namigay sila ng 40 sako ng bigas, kasama pa ang mga kahon ng noodles at bottled water para matulungan ang mga nawalan ng trabaho.

Ginamit pa ng grupo ni Willie ang kaniyang speedboat para mapabilis ang pagdadala ng goods sa iba't ibang bahagi ng Puerto Galera.

Pinasalamatan naman ng mga residente ang Wowowin host sa pagtulong sa gitna ng krisis.

"Unang-una po, marami ang nawalan ng trabaho, 'yung mga nagtatrabaho sa establishment na nagsara. So sa ngayon po ay talagang hirap na hirap po kaming mga boatman na nawalan din ng trabaho dahil nawala ang turista. Talaga pong hindi alam kung saan kukuha ng pagkain. Mga karpintero, talagang ganoon din," saad ng isang boatman.

"Buong sitio po namin, kami po'y nagpapasalamat nang lubusan kay Kuya Wil, sa Wowowin po at sa lahat ng mga taong sumusuporta sa kaniya," dagdag ng boatman.

"Ako po'y nagpapasalamat sa inyo, kay Kuya Wil sapagkat kami po'y binigyan nila ng mga pagkain. At ako'y tuwang- tuwa po sa inyo at hindi po namin akalain na kami ay bibigyan niyo ng ganyan," saad ng isang residente.

Nagbigay-paalala ang Wowowin host na puwedeng makatulong sa kapwa sa pamamagitan ng simpleng paraan, tulad ng pagsunod sa kautusan ng gobyerno ukol sa enhanced community quarantine.

"Isipin niyo ho 'pag lumabas kayo at nahawa niyo ang mga mahal niyo sa buhay, napakahirap po. Sana matapos na po ito para hindi nagsa-suffer tayong lahat, hindi tayo nahihirapan," sabi ni Willie.

Magla-live din si Willie sa Facebook page ng Wowowin para mamigay ng pera at iba pang papremyo para makatulong sa marami pang tao. â€”Jamil Santos/LBG, GMA News