Hindi nagpahuli si AiAi delas Alas sa mga misis na gumugupit sa buhok ng kanilang mga mister ngayong lockdown. Pero ang mala-oppa haircut na gusto niya sa kaniyang mister na si Gerald Sibayan, nauwi sa pagkalbo.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabing nauuso ngayon ang paggupit ng mga misis sa buhok ng kanilang mga mister dahil sarado ang mga barbershop at bawal ang lumabas muna ng bahay.

Ilan sa mga celebrity misis na naging manggugupit ng kani-kanilang mister ay sina Marian Rivera, Solenn Heussaff, Iya Arellano at Rochelle Pangilinan. Ngayon, sinubukan na rin ito ni AiAi.

"'Di ba sabi mo gusto mong magpakalbo? Tapos sabi ko 'Sige ano, gugupitan kita?' Sabi niya 'Ah isipin ko muna.' Tapos mamaya sabi niya 'Oh sige laban!' Idea naming dalawa 'yun, hindi ako lang. 'Day 'wag ka diyan!" natatawang kuwento ni AiAi.

Peg ni AiAi para kay Gerald ang Korean actor na si Park Seo-joon. Pero ang gusto niyang look, hindi na-achieve kaya kinalbo na lang niya si Gerald.

Payag naman daw si Gerald na magpagupit ulit kay AiAi, at pinagtawanan na lang ng mag-asawa ang kanilang epic fail na gupitan.

Samantala, tuloy ang bagong negosyo ni AiAi na paggawa ng ube pandesal kahit may ECQ.

Hands on si Comedy Queen mula sa pagbe-bake hanggang sa paghahanda sa delivery ng kanilang family affair na negosyo.

"Ako 'yung nagtitimpla, si Sancho 'yung nagmamasa, kami 'yung nagro-roll 'yung daughter in law ko tsaka si Sophia. Then 'yung aking future son in law ang nagwe-weigh ng mga ube and cheese, asawa ko rin ang nagpe-prepare ng bread. 'Yung bread namin is made with love kasi kaming buong pamilya ang nagmamahalan at gumagawa ng tinapay," kuwento ni AiAi.--Jamil Santos/FRJ, GMA News