Muling binalikan ni Chynna Ortaleza ang pakikipaglaban niya sa gallstones, at sinabi niyang mas pipiliin niyang manganak na lang muli kaysa magkaroon nito.

Sa Kapuso Showbiz News, ikinuwento ni Chynna kung gaano kasakit ang naramdaman niya dahil sa gallstones na inakala niyang acid attack lang habang nagta-taping noon ng "Idol sa Kusina."

Pumunta si Chynna sa clinic para sa first aid at bumalik din para ituloy ang taping, pero sinabihan siya ng production na kita na sa camera na mayroon siyang dinadamdam.

"'We have to bring you to the hospital kasi you don't look that good either 'yung rehistro sa TV, parang alam mong may mali,'" pag-alala ni Chynna na sinabi sa kaniya ng production.

Nalaman na sa emergency room na gallstones nga ito.

"I am not surprised because everyone in my family has had that, maybe because of the diet also growing up," sabi ni Chynna.

Ilang araw pa ang lumipas, tiniis muna ni Chynna ang sakit dahil binyag ng anak niyang si Salem.

"After my son's baptism, the next day, the pain was really bad," saad ng Kapuso actress-host.

Kaya taong 2019 nang sumailalim si Chynna sa cholecystectomy o pagtanggal ng kaniyang gallbladder.

"It was definitely harder in terms of pain compared to having a baby. 'Yun nga yung sabi ko before na, manganganak na lang ako kaysa ma-experience ko na naman 'yung pain ng swelling ng gallbladder ko," lahad niya.

Mabuti na ang kalagayan ngayon ni Chynna pero kailangan niya nang baguhin ang kaniyang diet.

"Blessing, kasi it makes you conscious of what you eat and you have to take care of what you eat," sabi niya.--FRJ, GMA News