Bukod sa pag-arte at pagsayaw, nauuso na rin ngayon sa Tiktok ang pagpapakita ng celebrity look-alikes. Ang isa sa kanila, OFW na kahawig si Alden Richards. Alamin ang naging reaksyon ng aktor nang makausap mismo ang kaniyang ka-look-alike na papasa raw na kaniyang kapatid.

Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng "tiktoker" na si Ian dela Peña III, naka-base sa Dubai, na kabilang siya sa libu-libong OFWs na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 crisis.

Pero pinili muna niyang manatili sa Dubai at nag-online selling para magkaroon ng pagkakakitaan. At isa sa pampalipas oras daw niya ang pagti-Tiktok kaya naisipan niyang gawing look alike si Alden na kaniyang idol.

Habang kinakapanayam ng KMJS via Zoom, biglang sumali sa panayam si Alden Richards.

Kumbinsido naman si Alden sa pagkakahawig nila ni Ian, na tiyak daw na papasa na kapatid niya sa isang teleserye.

Ngunit higit sa pagiging kahawig, ipinaabot ni Alden ang paghanga sa determinasyon ni Ian na magsumikap sakabila ng nararanasahang pagsubok dulot ng pandemic.

Panoorin sa video na ito ang mensahe ni Alden kay Ian, at ang kuwento ng ka-look-alike nina Dingdong Dantes at Kiray Celis. — FRJ, GMA News