Matapos ang halos tatlong buwan, muling napanood nitong Lunes, Hunyo 8, ang live broadcast ang longest-running noontime show sa Pilipinas na "Eat Bulaga." Bukod sa Eat Bulaga, live din na napapanood tuwing hapon sa GMA din ang "Wowowin-Tutok To Win," ni Willie Revillame. 

Bagaman wala pa ring studio audience, nasa APT Studio naman sina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros, kasama sina Alden Richards at Maine Mendoza.

Naka-remote naman via Zoom ang iba pang dabarkads na sina Vic Sotto, Joey De Leon at Alan K. Kasama rin sina Ryan Agoncillo, Pauleen Luna, Pia Guanio, Ryza Mae Dizon at Bae-by Baste.

Sa studio, ipinatutupad ng JoWaPao at AlDub ang social distancing at naka-face mask sila. Ipinakita rin nila ang new normal kung saan nakasuot ng PPEs ang mga staff at may transparent divider ang lamesa.

Mayroon ding kasama duktor at nurse sa studio para maging gabay nila sa pagpapatupad ng health protocol.

Sa simula ng kanilang pagbati, makikita ang pagka-miss ng dabarkads, at alaskahan.

Si Vic, pinuna ang buhok ni Alan K na hindi man lang daw humaba kahit mahigit dalawang buwan na ang community quarantine. Sagot naman ni Alan, nagpagupit lang daw siyan.

Nagkaroon ng sayawan ala-Tiktok ang mga dabarkads. Pero nang ipakita ni Joey ang kaniyang legs sa camera nang tumayo ito sa silya, sinabi ni Vic na pang-"tiktik" ang ginawa ni Joey.

Sa kabilang pagbabalik, hindi pa rin nawalang pamamahagi ng dabarkads ng papremyo para sa mga manonood na kung tawagin ay "team bahay." Panoorin ang video.-- FRJ, GMA News

Tags: