Isiniwalat ng dating beauty queen na si Janina San Miguel na matapos siyang manalo bilang Binibining Pilipinas noong 2008, nakatanggap umano siya ng alok na P25 milyon para makipagrelasyon at may nag-alok din ng P3 milyon kapalit ng pakikipagtalik na pawang tinanggihan niya.

Ibinahagi ni Janina sa dokyumentaryo ng Channel News Asia ang umano'y "maduming kalakaran"  na kaniyang naranasan. 

"'Yung 25 million, ano 'yung gagawin ka niyang parang girlfriend. Bibigyan ka niya ng car, condo, resort, lahat," kuwento niya.

"Ayun na nga 'yung mga maduming kalakaran nila. Ang dami talagang gustong maging girlfriend or wife ang isang beauty queen," patuloy niya.

Ayon kay Janina, na 17-anyos lang nang manalo sa Bb. Pilipinas, matindi ang paghahanda sa Miss World 2008 at inilayo siya sa kaniyang pamilya.

"Nandun lang ako sa loob ng Araneta (Coliseum)," saad niya. "Wala nga pong phone, wala ding computer, wala lahat."

"There's a point in time na nandun na 'yung brother ko at 'yung daddy ko sa labas pero sabi nung guard, 'Since wala kayong appointment, umuwi na lang kayo,'" patuloy niya.

Habang nasa pagsasanay, aksidente niyang nalaman na nasa ospital ang kaniyang lolo.

"Ang balak pa nila, ayaw nilang sabihin sa 'kin na 'yung lolo ko mamamatay na because I'm in the middle of training. So ayaw nilang parang ma-distract ako," lahad niya.

Wala pang tugon ang Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI) nang hingan ng reaksyon ng GMA News Online.

Kinalaunan ay binitawan ni Janina ang korona para katawanin ang Pilipinas sa 2008 Miss World pageant.

Naglabas noon ng pahayag ang BPCI at sinabing ang pagpanaw ng lolo at iba pang personal na kadahilanan kaya hindi na matutugunan ni Janina ang tungkulin nito.

Sabi ni Janina, "Mas important 'yung family ko rather than wealth and fame. Parang ang gulo-gulo ng show business." —FRJ, GMA News