Dahil sa pagkakatigil lang sa bahay dahil sa lockdown, nagkaroon ng pagkakataon si Rocco Nacino na maghanap ng ibang oportunidad na pagkakakitaan lalo pa't naapektuhan din ang ilan niyang negosyo.

Isa mga naisip ni Rocco na pagkakitaan ay ang mag-streaming ng mga nilalaro niyang online games.

"Actually napag-usapan kanina with gaming, that's one of the plan B's that I have. Dahil nga may following naman ang Facebook page, ngayon I've applied to monetize 'yung streaming na ito through games," sabi ni Rocco sa Kapuso Showbiz News.

Bukod dito, meron din siyang small businesses na tinututukan, para makatulong na rin sa iba pang tao.

"Ito talaga 'yung time na hahanapin mo 'yung niche mo when it comes to marketing and making a business. Also, ito 'yung mga times na may time ka para sa sarili mo para isipin, 'Ano pa kaya ang puwede kong gawin aside from being an actor?'" sabi ni Rocco.

Kasama rin ni Rocco ang nobya na si Melissa Gohing sa bagong negosyo sa paghahalaman.

"Nagve-venture kami ni Melissa into businesses for plants, isa pa 'yon. Malayo siya for me but it's something new again na pag-aaralan ko," sabi pa ng aktor.

Kamakailan lang ay inamin ni Rocco na nakaranas din siya ng stress at anxiety ngayong panahon ng community quarantine dahil naapektuhan ang kaniyang negosyong boxing gym at natigil ang ipinapagawa niyang dream house.--Jamil Santos/FRJ, GMA News