Nagkabukingan sina Sanya Lopez at Ken Chan na crush nila ang isa't isa noong stars pa sila ng "Walang Tulugan with the Master Showman" ni Kuya Germs.

Nag-reunion online kamakailan ang mga dating talent ng "Walang Tulugan with the Master Showman," na puno ng katuwaan at pagbabalik-tanaw, ayon sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles.

Bukod kina Ken Chan, Jak Roberto, at Sanya Lopez, present din sina Marlo Mortel, Eian Rances, Michael Pangilinan, Mico Aytona, Marika Sasaki, Teejay Marquez, Buboy Villar, at mga hosts na sina Jackie Lou Blanco at John Nite.

Hindi naman nawala ang kanilang naging pag-alala sa kanilang tatay-tatayan na si Kuya Germs.

"Si Kuya Germs naman po talaga 'yung naka-discover sa akin tsaka kay Sanya, so excited kami na balikan, 'yung mag-reminisce, ng mga ginagawa namin dati sa hosting, 'yung mga struggling days namin," sabi ni Jak.

"Napapagalitan kami ni Kuya Germs, ni tatay 'pag nagkamali, sinasanay talaga kami ni Kuya Germs na hindi nagbabasa. Kailangan saulo namin 'yung mga spiels namin," ayon naman kay Ken.

Inihayag nina Ken at Sanya ang paghanga nila sa isa't isa noong mga alaga pa sila ni Kuya Germs.

"Pero 'yung crush ko po, inamin ko po kay Ken Chan 'yun. Sobrang approachable po kasi ni Ken Chan. Sabi ko ang bait naman ni Ken," pag-amin ni Sanya.

"Kung ako po ang tatanungin, kay Sanya din po ako unang napukaw noon," sabi naman ni Ken.

Sa "Walang Tulugan" din aniya magkasamang nangarap para sa kanilang career sina Ken at Sanya.

"Magkatabi kami ni Sanya tapos may mga artista po from GMA-7 ang nagge-guest, sina ate Yanyan (Marian Rivera) yata 'yun eh o 'yung mga talagang sikat. Sabi namin ni Sanya, kaming dalawa, 'Hhayy Sanya, kailan kaya tayo magiging ganyan?' Tapos sabi ni Sanya sa akin 'Oo nga 'no, hintayin na lang natin.' Tapos parang nangangarap talaga kami," ayon kay Ken.

Hiling nina Ken at Jak na magkaroon ng physical reunion ang mga taga-"Walang Tulugan" kapag natapos na ang pandemic.

"Iwo-workout namin 'yan, kailangan matuloy 'yan. Kahit 'yung simpleng karaoke bonding lang," sabi ni Jak.

"Siguro sobrang gulo noon, riot no'n sa sobrang pagka-miss namin sa isa't isa. Hindi lang sobrang higpit ng akapan siguro namin sa isa't isa kapag nangyari 'yon," sabi ni Ken. -Jamil Santos/MDM, GMA News