Mas tumibay pa raw ang relasyon nina Tom Rodriguez at Carla Abellana ngayong panahon ng community quarantine dahil nasubok nila ang pasensiya sa isa't isa.

"In my personal experience ko, I am very fortunate na 'yung aming relationship ni Tom is tumatag pa po dahil sa quarantine," paghahayag ni Carla sa isang video ng GMA Network.

Masuwerte raw si Carla na nasamahan siya ni Tom sa kaniyang bahay bago pa ipatupad ang lockdown.

"Kasi tamang tama po, kung sakaling hindi siya pumunta at nag-stay dito, mag-isa lang po talaga ako dahil wala akong kasambahay at personal assistant, sa probinsiya po sila nakauwi," anang Kapuso actress.

Inamin naman ni Carla na dumating ang mga pagkakataong nasagad ang pasensiya nila ni Tom sa isa't isa.

"Na-test po talaga nang husto 'yung relationship namin. Kasi pareho po kaming pagod, pareho po kaming maraming ginagawa lalo na 'yung mga gawaing bahay, household chores, responsibilities, everything. So talagang nate-test po 'yung patience naming dalawa, patience namin for each other kasi kaming dalawa lang po 'yung talagang magkasama dito sa bahay," kuwento pa ng aktres.

"Mahirap po talaga, mahabang panahon. Umabot po sa point na talagang nasagad po namin nang husto ang isa't isa; Nagkakainitan na po ng ulo, medyo nagkakaroon po ng misunderstanding or miscommunication tsaka po tampuhan," dagdag ni Carla.

Ngunit kinakaya naman daw nila ang pagsubok kaya lalong tumibay ang kanilang pag-uunawaan.

"Basta konting pasensya pa po, 'yun lang. Konting pasensya lang po sa partner ninyo, tulungan ang partner ninyo, kamustahin from time to time. And try your best lang po para magawa kung ano 'yung kailangan ninyong gawin during the lockdown or quarantine," sabi ni Carla.

"Marami po kami ni Tom na natutunan sa isa't isa during the quarantine, and thankfully okay naman po kami," ayon pa sa aktres. --Jamil Santos/FRJ, GMA News