Trending at nangunguna sa Netflix Philippines ang mga pelikulang pinagbidahan ni Paolo Contis na "Ang Pangarap Kong Holdap" at "Through Night and Day." Si LJ Reyes naman, proud sa pagiging magaling na aktor ng kaniyang asawa.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing hindi inakala ni Paolo na mapapabilang ang mga pelikula niya sa Top 10 movies sa Netflix Philippines.

Naging number one ang indie film na "Ang Pangarap Kong Holdap," samantalang number two ang trending din sa social media na "Through Night and Day," na leading lady niya si Alessandra de Rossi, na nagpakalbo para sa pelikula.

Punong-puno ng emosyon ang "Through Night and Day" na nagpaiyak din sa viwers nito.  Ginampanan ni Paolo ang role ni Ben, na ibang-iba sa kaniyang pagiging komedyante at mga role sa telebisyon.

"This time ako 'yung soft kahit paano, soft-spoken, umiiyak ika nga. So siyempre hindi sanay 'yung tao na makita akong ganoon na 'Puwede pala!' sabi nila," ayon kay Paolo.

Si Alessandra naman ang gumangap bilang si Jen, na isa rin sa mga sumulat ng screen play at sa kaniya rin ang original story concept na tungkol sa isang matagal nang couple na bago ikasal, nagbakasyon sa Iceland at doon sinubok ang kanilang relasyon.

Hindi man daw ito naging blockbuster movie dalawang taon ang nakararaan dahil sa kakulangan sa promotion, masaya naman si Alex na nabigyang muli ng pagkakataon ang pelikula na mapanood ng mas maraming Pilipino habang naka-quarantine.

Sa kaniyang Instagram, nagpasalamat si Paolo sa mga nanood, napatawa at umiyak na manonood ng kaniyang mga pelikula.

"There are a lot of comedians na comedy lang talaga 'yung concentration nila. Meron din naman na puro drama. I'm very happy na isa ako sa mga konting character actors na nagagawa both effectively," anang aktor.

Patunay aniya ito na kaya ring makipagsabayan ng mga pelikulang Pinoy sa Netflix na puno ng foreign films at series, at hangaan din ng kapwa Pilipino.

"It's nice na ang Pilipino medyo choosy na rin talaga when it comes to the quality of what they're watching, and happy naman ako na pumasa kami do'n," sabi ni Paolo.

Kasabay nito, inihayag naman ni LJ Reyes kung gaano siya ka-proud sa kaniyang partner na si Paolo, dahil makikita na rin ng mga manonood kung gaano siya kagaling na aktor.

"Let not this night pass without me posting how proud we are of you!!!! pag pwede ka na tumabi samin, panuorin natin ulit pati ang #AngPangarpKongHoldap! Di ko kaya ng ako lang!" caption ni LJ sa Instagram.

"I’m so happy that now people will see how good of an actor you are and so much more!!! I’m grateful to see you become the best of you! And much more grateful that it’s unfolding right before my eyes!" dagdag pa ni LJ.

 

 

Ipakikita rin daw ni LJ ang mga pelikula ni Paolo sa kaniyang mga anak na sina Aki at Summer.

"pag gising ng mga bata papakita ko. Kitang kita ko na magiging reaction nila! Lalo na si Aki!!!! Hahaha ngayon, pwede na kita gupitan??? we love you @paolo_contis!!!,--FRJ, GMA News