Inako ng drummer ng Introvoys na si Paco Arespacochaga ang mga naging pagkakamali niya at humingi ng tawad sa mga naging karelasyon niya, kabilang na kay Geneva Cruz.

Sa panayam kina Paco at Geneva sa online talk show ni Paolo Contis na "Just In," pinasalamatan ni Paco ang mga dati niyang nakarelasyon na sina Geneva at Tiny Ambrosio, at current partner niyang si Jaja para matulungan siyang magbago.

"Ang credit ibibigay ko kay Geneva, ibibigay ko kay Jaja, ibibigay ko kay Tiny, 'yung isa kong ex-wife. I will not take any credit for that," sabi ni Paco.

Inamin naman ng musician-songwriter ang kaniyang mga pagkakamali.

"Akin lahat 'yon. Taas kamay na ako ngayon. As in ako 'yung at fault," sabi ng musician.

Kuwento ni Paco: "If you guys don't mind. Kay Gen hindi ko tanggap na ako 'yung may kasalanan. Kay Tiny hindi ko rin tanggap na ako ang may kasalanan. And then one time nag-away kami ni Jaja."

Patuloy niya, "Sabi sa akin ni Jaja, 'Para mag-react ako ng ganito, kung paano nag-react si Tiny at saka kung paano nag-react si Geneva, I think ikaw na nga talaga ang may problema.' And then nag-walk out siya. So natakot na ako."

Dahil sa nangyari sa kaniyang mga relasyon, sinubukan daw ni Paco na muling tingnan ang kaniyang sarili.

"Talagang kinailangan ko nang kausapin ang sarili ko na masinsinan na, ako nga talaga because kung silang tatlo ganiyang mag-react, eh ako 'yung common denominator, there must be something really wrong with me. So I had to fix that and I have to apologize for all of them," paliwanag niya.

Muli ring binalikan ni Geneva ang hiling niya noon na mag-apologize sa kaniya si Paco, dalawang taon na ang nakararaan.

"Let me tell you something important. Kasi Paco was my first everything. So feeling ko parang because of what happened between him and I parang naapektuhan 'yung second relationship ko," kuwento ng singer-actress.

"Kasi siyempre it starts and ended with that one relationship na major that gave me a son also 'di ba? I just have to ask him na kung puwede mag-sorry siya and it would really make a difference to me," dagdag ni Geneva.

"Para rin daw sa kaniyang sarili ang paghingi niya ng apology mula kay Paco.

"I'm just happy that si Paco is willing to help and to change what he did. It's never really too late," sabi ni Geneva. -- FRJ, GMA News