Sa pag-guest ni ‎Paco Arespacochaga‎ sa "Just In," napansin ng host na si Paolo Contis ang mga pagkakatulad nila ng hinahangaan niyang drummer ng INTRoVOYS.  Natatawa rin na ipinaalala ni Paolo ang naging atraso sa kaniya noon ni Paco.

"Grabe ngayon ko lang nalaman, Enrico ka rin, Enrico din ako. Tapos 'yung Paco, tawag sa akin ng mga classmates ko dati, kasi Paolo Contis, 'Paco!' 'Paco!'" paglalahad ni Paolo.

Enrico Luis Victor Santos Arespacochaga ang buong pangalan ni Paco, samantalang Paolo Enrico Tusi Contis naman ang buong pangalan ni Paolo.

"Tapos Enrico. Parang pareho tayo nu'ng ugali ah, pareho ng pangalan, pareho ng ugali. Tingin mo ba, 'Pag mga Enrico daw mga ano talaga eh, lapitin at saka mababait eh," biro ni Paolo.

Nang mapag-usapan na ang tungkol sa fans kung saan ibinahagi ni Paco na ginagamit niya ang mga bagay na inireregalo sa kaniya ng mga tagahanga tulad ng chaleco, doon na ikinuwento ni Paolo ang insidente na tumanggi sa kaniya noon ang drummer na magpa-picture na kasama ang tv host-actor.

"Sorry!" natatawang paghingi ng paumanhin ni Paco kay Paolo.

"So mabait ka sa fans? Kasi noong bata ako... nasa kabila pa tayo noon. Nagpa-picture ako sa'yo kasi taping ng Ang TV noon. Kinalabit kita 'Puwede pong magpa-picture?' sabi ko," kuwento ni Paolo.

"Tapos tiningnan mo ako. Sabi mo sa akin 'Sorry, sorry, no,'" pag-alala pa ni Paolo.

"Sorry wala akong dalang chaleco noon ah. Hindi ko naman alam na dapat pala may dala akong chaleco para mapansin mo ako Hahaha!" natatawang biro ni Paolo kay Paco.

Panoorin ang masayang kuwentuhan nina Paolo, Paco at Geneva Cruz sa video ng "Justi In."--FRJ, GMA News