Sinimulan ng Sexbomb idols na sina Rochelle Pangilinan at Aira Bermudez ang isang online fitness class para ituro ang kanilang mga galawang Sexbomb, at maging "quaran-toned" ang kanilang mga estudyante.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing muling nagsama sina Rochelle at Aira para sa kanilang online classes na "Workout with Aira and Rochelle" o WAR.

Si Rochelle ang magtuturo sa morning workout sessions habang dance lessons naman sa gabi si Aira.

Tutulungan daw ng nina Aira at Rochelle na maging fit ang kanilang mga estudyante kahit nakapirmi lang sa bahay.

"'Yung mga natutunan ko dati sa mga dance class na ina-attend-an noong mga kabataan namin, nagsisimula pa lang kami, nilagay namin dito. Like 'yung mga stretching, mag-cool down, lahat talaga, pati breathing exercise, lahat," sabi ni Rochelle.

"May mga options naman. Meron naman tayong tinatawag na basics, meron din 'yung tests, depende naman kasi sa students kaya 'wag silang matatakot," sabi naman ni Aira.

Abot-kaya sa halagang P100.00 lang kada session ang bayad para makasali.

Bukod sa mga nag-e-enroll sa Pilipinas, may iba rin daw na nakakasama sa workout sina Aira at Rochelle na mula sa ibang bansa tulad ng Japan, Dubai at USA.

"Nagkakaroon kami ng chikahan muna, and nasasabi nila kung ano 'yung mga... minsan kung ano 'yung nangyayari sa kanila ngayon. So at least alam mo 'yung, nagkakaroon ka na rin ng kausap lalo na kung mag-isa ka," sabi ni Rochelle.

Kaya para sa mga Sexbomb idols, isang level unlocked ang "new normal."

"Mas challenging talaga kasi kailangan nakikita mo bawat isa kahit malayo ka. So kailangan mo isa-isahin talaga sila," ani Rochelle.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News