Pinilit ni Paolo Contis na labanan ang kaniyang mga luha nang panoorin niya ang sariling pelikula na "Through Night and Day" kasama si LJ Reyes. Pero itinigil na nila ang panonood nang si LJ na ang umiyak.

Sa kaniyang latest vlog, nag-watch party sina Paolo at LJ matapos ang tagumpay ng dalawang pelikula ni Paolo na "Through Night and Day" at "Ang Pangarap Kong Holdap."

Piniling panoorin ni LJ "Ang Pangarap Kong Holdap," pero si Paolo rin ang nasunod sa "Through Night and Day."

Biniro pa ni Paolo si LJ sa mga unang bahagi ng pelikula na huwag munang umiyak dahil "maaga pa." Pero sa pagpapatuloy ng pelikula, tuluyan nang naluha si LJ at hindi na niya napigilan ang sarili na umiyak.

"Stop ko na?" tanong ni Paolo sa kaniyang partner. "Off na off na?"

"Di ko natapos.' Maluha-luhang biro ni LJ, nang hindi na nila tinapos ni Paolo ang huling 12 minuto ng pelikula. Panoorin ang buong pangyayari sa video.


--FRJ, GMA News