Nagdiwang ngayon ng kaniyang ika-23 taong kaarawan ang Kapuso star na si Barbie Forteza. Ibinahagi naman ng aktres ang kaniyang birthday wish na para sa lahat.

Sa virtual interview ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, inihayag nina Barbie at Kate Valdez na magbabalik-taping na sila para sa Kapuso series na "Anak ni Waray, Anak ni Biday."

Ayon kay Barbie, nagkaroon muna ng ilang ulit na pagpupulong ang production team para tiyakin ang kaligtasan ng lahat at sa mga gagawing paghahanda upang sundin ang itinakdang health protocols.

Makikita kina Barbie at Kate ang kasiyahan at kasabikan na muling makapag-taping at magkasamang muli nang personal matapos ang ilang buwan na tigil-trabaho dulot ng COVID-19 pandemic.

Pero bago ang panayam, nagpadala pala ng birthday cake si Kate sa bahay ni Barbie para sorpresahin ang kaniyang kaibigan.

Nagtagumpay naman si Kate sa pa-cake niya dahil aminado si Barbie na nagulat siya nang dumating ang regalo ng kaniyang co-star sa serye.

Nang tanungin si Barbie kung ano ang kaniyang birthday wish, tugon ng aktres,

"Sana matapos na 'tong pandemic na ito at bumalik na ang lahat sa normal. Sana mag-resume na lahat."

Dahil bawal pa rin ang magliwaliw bunga ng pandemic at nasa general community quarantine pa rin ang Metro Manila, sa bahay lang nagdiwang ng kaarawan si Barbie kasama ang kaniyang mga mahal sa buhay.– FRJ, GMA News