Ibinahagi ng mag-asawang Rodjun Cruz at Dianne Medina kung bakit mahabang Rodolfo Joaquin Diego Ilustre III ang napili nilang ipangalan sa kanilang magiging baby boy.

"Ang tunay na pangalan ko talaga [is] Rodolfo Illustre Junior. So ako 'yung Junior. Kaya pinagsama 'yung name ko, 'Rodolfo Junior' kaya ako naging 'Rodjun Cruz.' Dahil Junior ako, ginawa ko na 'yung baby boy amin na siya na 'yung the third," sabi ni Rodjun sa online showbiz talkshow na "ArtisTambayan."

Espesyal din ang idinagdag nilang pangalan sa kanilang panganay na anak na "Joaquin."

"Tapos 'yung 'Joaquin' ang ibig sabihin nu'n 'gifted by God,'" ani Rodjun.

"'Established by God,'" sagot naman ni Dianne.

Dahil sa panganib na dulot ng COVID-19, ginawa muna nila ang kanilang baby shower para kay Rodolfo Joaquin sa pamamagitan ng online.

Ayon naman ni Dianne, manganganak pa rin siya sa hospital sa kabila ng pandemya, dahil siniguro naman siya ng kaniyang OB na secured ang mga equipment na kailangan at susundin ang proper procedures.  --Jamil Santos/FRJ, GMA News