Sa pagdiriwang ni Mel Tiangco ng kaniyang kaarawan, binati siya ng GMA Kapuso Foundation at mga katuwang nito sa paghahatid ng tulong sa mga taong nagigipit at nangangailangan.

Hiling ng "24 Oras" anchor na si Tita Mel na nagdiwang ng kaniyang ika-65 taong kaarawan, sana'y gumaling na ang lahat sa harap ng nararanasang pandemiyang dulot ng COVID-19.

"Please perform a miracle for all of us. Please perform a miracle for all of the whole world. Tanggalin n'yo na po ang COVID," hiling ni Tita Mel.

Bukod sa mga kasamahan niya sa Kapuso Foundation,  kasamang bumati at sumaludo kay Tita Mel ang Joint Task Force-National Capital Region.

Bumati rin kay Tita Mel ang ilang Kapuso Foundation beneficiaries, pati na ang 92nd Infantry Batallion, at ang Central Command Task Group -Cebu Bohol Siquijor.

Isang 26-anyos na pedicab driver naman na kasabay ni Tita Mel ang kaarawan at nagsisikap sa pagtatrabaho para sa pamilya ang hinantugan ng tulong at munting handa para maipagdiwang din niya ang kaniyang kaarawan. —FRJ, GMA News