Nagpayo si Kim Rodriguez, lalo na sa mga bata, na huwag masyadong magbabad sa online games dahil nakakasama rin ito sa kanilang kalusugan.

Sa panayam sa kaniya ng GMA Regional TV Live, inihayag ni Kim na mahilig din siyang maglaro ng online games.

"Yes po mahilig akong maglaro ng mga online games, like 'yung mga Mobile Legends. Minsan nag-i-stream ako kapag wala akong ginagawa," sabi ni Kim.

Gayunman, sinabi niyang dapat na kontrolado lang ito.

"Kailangan naka-schedule pa rin siya. Kasi 'yung iba ang nakikita ko parang six hours, eight hours. Siyempre masama rin para sa kalusugan nila 'yon," sabi ng Kapuso actress.

Ipinagdiwang ni Kim ang kaniyang kaarawan nito lamang Agosto 14.

"Isa lang naman ang birthday wish ko ngayon. Sana matapos na 'yung pandemic na 'to para bumalik na sa normal lahat, wala nang mahirapan, lahat maging masaya na. 'Yun lang naman ang natatangi kong wish, sana matupad."

Kung siya ang papipiliin, gusto naman daw subukan ni Kim ang action.

"Gusto ko naman 'yung mga action kasi hindi ko pa siya nata-try. Palagi na lang akong inaapi, sinasampal before, nagiging kontrabida. Gusto ko namang i-try 'yung mga mala-fairy tale, mala-Encantadia." – Jamil Santos/RC, GMA News