Maraming trabahador ang naiba ang linya ng pinagkakaitaan nang dahil sa lockdown. Gaya ni Lola Wending na dating labandera at manghihilot na nauwi sa pagiging vlogger. Ang sikreto daw para siya maging madaldal sa video, "shot" muna bago shoot.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na natigil sa paglalaba at panghihilot si Lola Wending nang magka-lockdown dahil sa physical distancing at bawal lumabas ang mga nakatatanda.

Ang kaniya raw apo ang naghikayat kay Lola Wending na maging "artista" sa kaniyang mga gagawing video at hindi naman sila nagkamali sa kanilang desisyon.

Bukod sa may pinagkaabalahan si Lola Wending, tinangkilik din ng mga tao ang kaniyang mga video. Higit pa roon, nakatatanggap pa siya ng tulong sa mula sa kaniyang mga follower at nagsisimula na rin siyang kumita sa kaniyang ginagawa.

Natuklasan din na bago pala mag-shoot ng video si Lola Wending, kailangan muna niyang "tumagay" para daw maging mas madaldal siya.

Tunghayan sa video na ito ng "KMJS" ang buhay ni Lola Wending, at ang isa pang trending vlogger na bentang-benta rin ang mukha sa mga meme na si Gaia Loberiano, na mula sa Caloocan City. Panoorin.

--FRJ, GMA News