Sa programang "Mars Pa More," ipinasilip ni Kiray Celis ang kaniyang bahay at ang SpongeBob theme na kuwarto niya. Ayon sa aktres, may pinangarap siyang bahay na ipagagawa pero mas gusto niyang kasama ang kaniyang pamilya.

"Actually noon po talaga dream ko talagang magkaroon ng sariling bahay. Pero kung mangangarap ka na lang, 'di ba sabi nga nila, mangarap ka na nang sobra," sabi ni Kiray.

May natipuhan daw noon na lugar si Kiray na isang village kung saan niya gustong magpatayo ng bahay.

"So nu'ng nangarap ako ng bahay sabi ko, 'Dito ako magtatayo ng bahay. Eh meron sa aming village na malapit, sabi ko kina mama pati kina papa, 'Dito ko gusto magtayo para bongga, para alam mo 'yun, may guard house,'" saad ng Kapuso comedianne-actress.

"Tapos sabi ng papa ko, 'Oh sige puwede kang magtayo du'n. Dadalawin ka na lang namin ng mga kapatid mo,'" patuloy niya.

Gayunman, hindi pumayag si Kiray na siya lang ang mag-isa sa pinapangarap niyang bahay, dahil nais niyang kasama pa rin ang kaniyang pamilya.

"Parang... 'Ano ako lang mag-isa doon, pati si mama? Paano tayo naging happy family kung kami lang dalawa ni mama 'yung nakatira doon?' So wala, dito, dito na lang," saad ni Kiray tungkol sa bahay nila ngayon kung saan siya lumaki na pinaayos na lang nila.

Nabili ni Kiray ang kanilang bahay sa Maynila noong 2017. Masaya raw sila dahil kahit wala mang guard house, magkakaibigan naman ang mga kapitbahay sa kanilang tinitirahan.

"Kaya nakita niyo, dikit-dikit 'yung mga bahay. Kahit iwan mo 'yung bahay namin na bukas, wala talagang magnanakaw dito. Masaya dito kasi nagshe-share 'yung mga pagkain. Maraming guard," sabi niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News