Inilahad ni Iya Villania na nagkaroon siya noon ng alinlangan na tanggapin ang pagiging anchor ng Chika Minute segment ng GMA News "24 Oras," kasama ang mga bigating news anchor sina Mel Tiangco, Vicky Morales at Mike Enriquez.

"Alam mo 'yung totoo diyan, ayokong tanggapin ang Chika Minute. I was afraid na they were getting me because I was also an artist in the industry na madali lang akong makakakuha ng mga chismax sa mga friends ko. But hindi naman pala," kuwento ni Iya sa online talk show na "Just In."

Biniro naman siya ng host ng programa na si Vaness del Moral sa kakaiba niyang pagho-host ng Chika Minute.

"Si Pia (Guanio) kasi before 'di ba 'pag nagtsi-Chika Minute siya talagang Chika Minute, hindi kasing-'balahura' mo. Sorry ha," natatawang biro ni Vaness.

"Sorry sa term ha pero ikaw kasi, juice ko talagang, hindi ka ba nahihiyang sumayaw sa tabi nina sir Mike tsaka nina Miss Mel?" tanong pa ni Vaness.

"It took a while. Isa rin 'yan sa mga dahilan kung bakit nag-aalanganin akong tanggapin 'yung trabaho kasi siyempre, Tita Mel, si Sir Mike, mga haligi ng GMA. So siyempre nahihiya ako, parang hindi ako belong doon. Pero eventually I got comfortable," kuwento ni Iya.

"Sobra rin akong nagpapasalamat sa dati kong trabaho as a VJ dahil doon ko nakuha 'yung comfort ko and confidence talking to myself in front of the camera and reading the prompter. Kasi actually skill 'yan na nakakapagbasa nang maayos sa prompter," patuloy ni Iya.

Natatawa pa niyang biro, "And then eventually, 'yun nga, I felt na puwede na akong maging balahura. At puwede ko nang i-inject 'yung totoong side ko na kengkoy, silly na mukhang natutuwa rin naman si tita at si sir Mike."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News