Inilahad ni Thea Tolentino na nakaranas siya ng anxiety sa gitna ng COVID-19 pandemic, pero napaglabanan niya ito sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga kaibigan, kabilang ang ex-boyfriend na si Mikoy Morales.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabing hindi naging madali kay Thea ang epekto ng pandemya sa kaniyang kaisipan.

Napatunayan daw niya na kailangang pangalagaan ang mental health sa panahon ngayon.

“Mostly nahirapan ako with my mental health ngayong quarantine. In anxiety ako, nanibago po ako sa environment ko kasi ang tagal ko na po 'di nakakapag-stay ng ilang buwan sa bahay namin mismo,” pahayag ni Thea.

Para makayanan ang anxiety, sinabi ni Thea na pinagkakaabalahan niya ang pag-aalaga sa bago niyang alagang pusa, at painting.

Isa raw si Mikoy sa mga kaibigang kinakausap niya para mabawasan ang kaniyang stress.

“Kailangan ko lang din po kasi talaga ng breathing, 'yun 'yung usually hindi ginagawa ng karamihan, 'yung 'wag tayo magmadali, let’s slow down, pakinggan muna natin sarili natin just breathe,” sabi ng Kapuso actress.

Nalagpasan na raw ni Thea ang pagsubok sa mental health at naging malaking tulong sa kaniya na may dumating na trabaho.

Nagkaroon ng reunion sina Thea at ang co-stars niya sa "Madrasta" na sina Juancho Triviño, Arra San Agustin, Herlene Budol at Almira Muhlach sa bagong episode ng "Wish Ko Lang" sa darating na Sabado ng hapon.

"Nakaka-miss 'yung kulitan namin kasi kami din po parang 'O huwag nating isasara 'yung pinto ah,' 'Social distancing tayo' Ganoon pa rin eh pero nagkukulitan pa rin po kami on set," kuwento ni Thea.

"'Yung last taping naming lahat kami-kami rin 'yung magkakasama eh before ng lockdown na ito," sabi ni Juancho.

"First taping namin since the lockdown, kami-kami ulit 'yung magkakasama. Ito 'yung first taping po namin eh," sabi naman ni Arra.

Sa Wish Ko Lang episode na pinamagatang "Nasunog," gaganap sina Thea, Arra at Juancho bilang magkakapatid na nagmamahalan, hanggang sa may mangyaring isang malagim na trahediya.

"Kami ni Arra hindi kami loveteam dito, magkapatid kami dito. Isang malaking adjustment maliban doon sa last na ginawa naming teleserye. Tapos si Thea mabait pa, so parang, anong nangyayari?" sabi ni Juancho. —LBG, GMA News