Maituturing ni Super Tekla na higit pa sa pagsubok ang pinagdaanan niyang hirap nang isilang ang anak niyang si Baby Angelo na may anorectal malformation at kailangan itong operahan.

Sa vlog ng talent manager at showbiz reporter na si Ogie Diaz, muling binalikan ni Tekla ang unang naging kondisyon ng anak, at kung paano niya ito hinarap.

"Si Angelo ngayon, after all ng two months na battle against 'yung sitwasyon niya dahil nagkaroon siya ng multiple congenital anomalies, hindi nag-develop 'yung baby masyado while nasa womb ng mama niya," sabi ng Kapuso comedian.

"Maraming mga internal organs niya, ma-develop na sana, may konting awang. 'Yung dito sa likod niya, hindi nagsara 'yung sa may batok niya," dagdag pa niya.

Ayon kay Tekla, nagkaroon ng mga pagkukulang sa mga unang buwan na nasa sinapupunan pa si Baby Angelo.

"'Yung sa stage ng pagbubuntis ng mommy, lalo na 'yung three months, diyan ang pinaka-crucial talaga, pinakadelikado, dapat nagpapa-check up. Kasi wala siya sa akin nu'ng nagbubuntis. Naabutan ng lockdown talaga. Doon, hindi ko na-monitor, hindi rin ako makapunta ng Parañaque."

Sa halip na sisihin ang ina ng kaniyang anak, pinagtuunan na lang daw ni Tekla kung ano ang kaniyang magawa para mapabuti ang kondisyon ni Baby Angelo.

"Noong una halos parang gusto ko siyang [awayin]. Pero ang ginawa ko, instead na magalit ako sa kaniya, nag-focus ako sa kung anong puwedeng gawin sa baby ko, sino ang puwedeng lapitan, para maitawid ni Angelo lahat ng stage na 'yun."

Higit daw sa pagsubok ang naranasan ni Tekla: "Hindi siya pagsubok, isang malaking hampas sa akin, luluhod ka talaga [sa Diyos]."

"Big realization ito. Pero ang kagandahan lang, hindi Niya ibinigay ito nang walang solusyon. Lahat ng kulang kay Angelo may lunas," dagdag pa niya.

"'Yun ang iniyak ko sa Kaniya. Sabi ko, 'Lord, ito lang, marami akong pagkakasala. Ibigay mo lang itong si Angelo, ito lang hinihiling ko, ilalapag ko lahat.'"

Kung kaya naman maituturing na miracle baby ni Tekla ang kaniyang anak.

"Lahat ng pagpapakumbaba talagang ginawa, hiniling ko talaga sa Kaniya. Sobrang happy ako dahil hindi Niya ako pinagdamutan." – Jamil Santos/RC, GMA News