Nakatakdang bumida si Glaiza de Castro sa isang pelikula na gagawin sa Canada sa 2021.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago, sinabing kinuha si Glaiza ng Canadian Film Society para sa pelikula.

"Joint project ito ng mga Canadian at mga Filipino in Canada at ito ay idederek ni Filbert Wong. Ang story nito medyo related sa illegal business," kuwento ni Glaiza.

"Medyo may pagka ano siya, may pagka 'Breaking Bad'," dagdag niya, na tinutukoy ang isang American crime drama series.

Ayon kay Glaiza, napag-usapan na nila ito ng kaniyang nobyo na si David Rainey.

"Nu'ng teenager niya 'yun 'yung first big trip niya ever, sa Canada siya pumunta doon at ilang months nandu'n siya. So nu'ng sinabi ko na 'I may do a project there,' sabi niya 'I might visit you.' Pero hindi pa sigurado, sana talaga matuloy," anang Kapuso actress.

Sinariwa naman ni Glaiza ang pinagbidahan niyang "Temptation of Wife," na muling ipinalalabas sa Kapuso Network. —LBG, GMA News