Sa Kapuso online talk show na "Just In," binalikan ni Ehra Madrigal ang kaniyang kabataan nang maraming beses siyang naging cover girl ng men's magazine na FHM. Ayon sa kaniya, may isang issue noon na naging dalawa pa ang cover niya dahil sa dami ng magaganda niyang shots.

"Oh my gosh ang bata ko! Oh my gosh, kailangan talaga ng balik-alindog program nito mars," natatawang sabi ni Ehra nang ipakita sa kaniya ang mga naging cover niya noon sa magazine.

Unang beses na maging cover girl si Ehra sa  FHM noong 2006. Mula nito, nakabilang na siya sa FHM 100 Sexiest Women in the World list kung saan Top 5 siya noong 2007.

Sinundan pa ito ng dalawang cover niya sa June 2008 issue ng FHM.

"Mga nasa early 20s pa lang ako niyan. Grabe 'yan, oh my gosh! Ang ganda ng kulay ko diyan, ang payat ko," masaya niyang kuwento.

"Halos sabay 'yan kasi ang dami naming layouts na nakunan, tapos nagustuhan nila lahat ng layouts, so ang daming pictures, naging dalawang cover siya for that one month," dagdag pa niya.

Ayon kay Ehra, ginawa na lang na dalawa ang kaniyang cover dahil hindi makapamili ang FHM production sa mga set ng kaniyang photos.

"Nagulat din ako noong sinabi ng editor-in-chief noon na hindi raw sila makapamili so why not make it two daw. Sabi ko 'Talaga po ba?' Grabe!"

Nagpasalamat naman si Ehra sa ibinigay sa kaniyang pagkakataon ng magazine.

"Kasi 'yung first ko na FHM, it wasn't really planned, tinanong lang kung willing na ba ako nu'ng time na 'yun. Sabi ko lang, kasi hindi ko naman siya naiisip na big deal, tapos biglang lumaki na lang 'yung FHM tapos sunod-sunod na ang Kapuso artists na nagpo-post for that magazine," saad niya.

"Hindi ko siya inisip na maging ganu'n 'yung effect, but I'm grateful for that because after posting for that magazine, sunod-sunod naman 'yung projects ko with GMA," dagdag niya.

Nakasama naman ni Ehra ang kaniyang kapatid na si Michelle Madrigal kung saan pareho silang nasa cover ng FHM November 2010 issue.--FRJ, GMA News