Kahit makikitang tinuturuan ni Paolo Contis ng pag-arte ang kaniyang mga anak, inihayag ng Kapuso actor na may alinlangan siyang payagan ang mga bata na pumasok din sa showbiz.

"Ang cliché lang ng 'sana tapusin ang pag-aaral,' but yeah, it depends naman, to be honest," saad ni Paolo sa panayam sa kaniya ng GMA Regional TV, patungkol ng aktor sa mga anak nila ni LJ Reyes na sina Baby Summer at Aki.

Pero anoman daw ang maging desisyon ng mga anak, sinabi ni Paolo na susuportahan niya ang mga ito.

"Wala akong magagawa kung gusto nila 'yan. Personally I don't want. It's hard, the industry is hard, lalo sa panahon ngayon 'di ba?," dagdag niya.

Sa kanilang Q&A na vlog, nilinaw din ni Paolo na hindi siya payag na pumasok si Summer sa showbiz kahit pa marami ang humahanga sa ginagawang niyang "Acting 101" sa anak.

"'Yung mga Acting 101 ko kay Summer, pa-cute lang 'yun. Hindi ibig sabihin gusto ko siya mag-artista or tine-train ko talaga siya mag-artista," paglilinaw niya.

"Hangga't maari makapagtapos muna sila ng pag-aaral. It's something that I never did pero yun naman ang goal yung makapagtapos sila," dagdag pa niya.

"Same with me. Education first kasi 'yun naman ang priority more than anything. Kung gusto man nila, puwede naman basta mas importante ang pag-aaral," pagsang-ayon naman ni LJ.


--FRJ, GMA News