May napili nang kapalit ni Marian Rivera bilang leading lady sa upcoming Kapuso series na "First Yaya." Naging mabigat ang desisyon ni Marian na umatras sa naturang proyekto dahil hindi niya kayang iwan nang matagal ang mga anak sa lock-in taping.

Ang napiling pumalit kay Marian--si Sanya Lopez.

Ayon kay Sanya, magkahalong kaba at excitement ang kaniyang nararamdaman sa kaniyang kauna-unahang title role sa primetime show.

"Nasa proseso pa rin kami ng pagkilala kay Yaya Melody para mabigyan ng buhay at justice 'yung pagkatao niya," saad ng aktres tungkol sa kaniyang karakter.

Katambal ni Sanya sa serye si Gabby Concepcion na presidente ang role.

Ayon kay Sanya, binabalikan niya ang mga karanasan niya noon sa pag-aalaga sa kaniyang lola at mga batang pinsan bilang paghahanda sa role niya.

"Nasubukan kong magtimpla ng gatas, 'yung magpalit ng diaper kahit hindi ko alam kung paano, magpakain sa kanila," kuwento niya.

Tiwala naman si direk LA Madridejos kay Sanya bilang bagong Yaya Melody.

"Kapag iniisip ko si Yaya Melody sa katauhan ni Sanya, mangingiti ka na lang eh," saad ni direk LA. "Hindi siya mahirap makita kasi 'yun 'yung hinahanap namin kay Yaya Melody, 'yung very relatable na personality, 'yung bungisngis."

Idinagdag ni direk LA na kasama sa role ni Yaya Melody na maghatid ng positive vibes sa harap ng nagaganap na pandemic.

"Sa mga panahon na maraming nangyayari sa paligid natin na hindi masyadong masaya, minsan nakakalimutan nating magmahal, ma-inspire, and at the same time maka-inspire sa ibang tao," paliwanag ng direktor.

"Hayaan nyo si Yaya Melody na dalhin kayo doon, lahat ng pagdadaanan niyang hirap, lahat ng pagdadaanan niyang challenges, itatawid niya ito at magka-come out siya na better person," patuloy niya.—FRJ, GMA News