Ngayong tatlong taon na silang magkarelasyon, sinagot ni Rocco Nacino ang tanong kung handa na siyang mag-propose sa kasintahang si Melissa Gohing.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras ng GMA News nitong Martes, makikitang dinaluhan nina Rocco at Melissa ang isang plant bazaar sa Barangay Alabang sa Muntinlupa City.

Agad na nag-ikot ang magkasintahan na mga certified "plantito" at "plantita."

"Parehas po kaming nag-enjoy lalo na si Melissa, a certified 'plantita' talaga. Pero natuwa po ako kasi habang umiikot, lahat ng tao ine-explain nila 'yung scientific name ng plants," kuwento ni Rocco.

"Marami ring river plants and then very reasonable 'yung price kaya super worth it na pumunta," sabi ni Melissa.

Nawili rin sila sa nabili nilang halaman sa bazaar.

"This plant is Philodendron birkin.  Isa siya sa mga gusto ng mga tao ngayon and considered rare plant na rin," ayon pa kay Melissa.

Matatandaang halos ayos na ang bagong bahay na ipinagagawa ni Rocco sa Antipolo, Rizal, at puno ito ngayon ng mga halaman, sa tulong na rin ni Melissa sa landscaping.

Dahil dito, natanong ang Kapuso actor kung handa na siyang alokin ng wedding proposal ang kasintahan niyang kilalang volleyball player.

"Mag-ipon ulit. Tapos we'll see how it goes. Ang maganda ngayon may bago kaming bonding which are plants, mag-alaga ng plants. Malaki ang maitutulong sa relationship namin," sagot ni Rocco.

Pinagkakaabalahan naman ni Melissa ngayon ang muling pagbubukas ng volleyball.

"Every day we still train so it's like normal pa rin for us. And 'yung management namin, 'yung coaches they make sure that we're okay," sabi ni Melissa.

Excited naman si Rocco sa muling pagpapalabas ng Philippine adaptation ng Descendants of the Sun simula sa Lunes sa GMA.

At sa susunod na buwan, mapapanood na rin ito sa Netflix.

"I can't feel nothing more but just proud and happy para sa aming production at siyempre para sa GMA kasi itong bagong achievement," sabi ni Rocco. —Jamil Santos/KG, GMA News