Hindi pa raw nararanasan ni "First Yaya" leading lady Sanya Lopez ang first love pero nagkaroon na siya ng first kiss sa isang aktor. Alamin kung sino ito.

Sa "Unang Hirit" nitong Huwebes, sumabak si Sanya sa "Sanya's First" na game, at inilahad niya ang mga naging first time niya sa buhay.

Ayon kay Sanya, si Rocco Nacino ang kaniyang "first kiss" noong magka-eksena sila sa "Encantadia" 2016 bilang sina Danaya at Aquil.

Ngunit pagdating sa "first love," hindi pa raw ito dumadaan sa buhay ni Sanya.

"Pet. pusa," natatawang sagot ng aktres.

"Wala pa po. Wala pa po akong kino-consider na talagang first love. Siguro kapag dumating na," anang Kapuso actress.

Si Derrick Monasterio naman daw ang kaniyang naging unang showbiz friend.

Dati nang inihayag ni Sanya na no-boyfriend-since-birth (NBSB) siya, at hindi pa raw niya priority ang magka-love life.

Gayunman, si Sanya ang magiging "First Yaya" ni Gabby Concepcion sa upcoming series na "First Yaya."

"It's an honor na makapartner po si Mr. Gabby Concepcion," sabi ni Sanya.

"Nagkaroon na po ng Zoom meeting, medyo nag-usap-usap na kami doon, and sobrang bait na tao po ni Mr. Gabby Concepcion, bukod sa guwapo at, syempre, magaling na aktor," dagdag niya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News